April 29, 2008

minsan may kalungkutan na di maipaliwanag

Malimit akong nakakaramdam ng kalungkutan. Maaaring ito ay dahil sa mga bagay na di ko inaasahang mangyayari at di ko makontrol. Naisulat ko ang mga katagang nasa ibaba mga ilang linggo na ang nakakalipas...

Hayaan mo naman akong gumawa ng isang bagay na nais ko at hindi yung inaasahan ng iba na gagawin ko. May buhay ako ngunit di ko nararamdaman na buhay ako. Tumatawa ako ngunit hindi ko mapigil ang lumuha. Nag-sasalita ako ngunit alam kong ang isip ko ay ayaw makipagtalo. Nasisiyahan ako ngunit ang puso ko ay pilit na naghihimagsik. Kung gagawin ko ang nais ko at hindi yung inaasahan ng iba na gagawin ko, ituturing kong ako ay musmos na nag-aalimpuyo ang ulirat dahil sa pagkakasadlak ng aking buhay sa di maipaliwanag na pagkakataon. Ngunit, pag-asa at pag-asa pa rin. Marahil, ang naghuhumalugpos kong damdamin ay di sapat para isunod sa pag-papalam ng daigdig. Mahirap man ngunit ang taong may lakas ng loob na isugal ang sarili para sa kanyang kaligayahan ay siya lamang ang nagwawagi. Dapat akong tumaya sa kapalaran para sa aking kaligayahan.

April 16, 2008

Takot at Pag-asa

Malimit, sa hindi maipaliwanag na mga pagkakataon, kailangan nating gumuhit ng mga larawan sa ating isipan. Isang dibuho ng mga pangyayaring hindi natin maipaliwanag – hindi natin matanto. Ang mga larawang ito ang magbibigay sa atin ng pag-asa na may maitatago pa tayong lakas o kapangyarihan na paikutin ang mga bagay na hindi natin magawa sa ngayon.

Mahirap man, ngunit kailangan nating lumaban sapagkat ang may lakas ng loob lamang na lumaban sa agos ay siyang makakarating sa gusto niyang patunguhan. Sa iba, mas gugustuhuin nilang mag-mistulang mga pipi na tumutugon sa bawat pangyayari. Mga bagay na sa tingin nila ay di karapat-dapat ipaglaban. Ngunit sa aking sariling pananaw, mas maigi nang sabihin ang nararamdaman at ipahayag ang isipan kaysa hintayin na matuyo ang dugo sa katawan. Tunay na kay sakit at mag-dadala ng palam ang bawat katotohanan. Ngunit sino ang nakakaalam ng katotoohanan? Hindi ba’t tanging ang Poong Maykapal lamang? Ang ating sariling pagpapagal ay tanda ng pagtitirapa sa Manlilikha. Kaya’t dapat isabuhay at ikagalak ang bawat sandali ng ating sariling buhay.

Mula dito sa ideya na ito, babanggitin ko ang di maipaliwanag kong pag-hanga sa mga mga kapwa ko Pinoy. Mahilig silang makipag-laban para sa kanilang sariling dignidad. Ganito ang ginawa ng mga mag-sasaka ng Sumilao. Hanga ako sa kanilang katapangan at lakas ng loob para banggain nila ang isang higanteng mamumuhunan - Del Monte Philippines, Inc. (DMPI). Tunay na kahanga-hanga ang kanilang lipi. Ito ay nagbigay sa akin ng kakaibang lakas ng loob upang tanggapin ang ilang mga bagay sa aking sarili at ipaglaban ang nararapat para rito. Masakit man aminin ngunit batid nila ang kahirapan nila. Kaya nga’t pinaglalaban nila ang lupa na para sa kanila. May mga pagkakataon na di natin magawang aminin ang ilang mga bagay na nakikita sa ating pag-katao. Kaya’t napakahirap kumilos para baguhin ang ating sarili dahil di natin matanggap ang ilang bagay sa atin. Sa ipinakitang katatagan ng mga mga taga-Sumilao, nakita ko ang kahinaan ko. Ang takot na hanggang ngayon ay namamayani sa akin. Ang kawalan ng pag-asa na nananalantay sa aking dugo. Salamat sa mga magsasaka ng Sumilao. Saludo ako sa inyo!

Ang larawan ay kinuha ko mula sa blog ni Adrian Ayalin - isang reporter ng ABS CBN. Ito ay larawan ng mga magsasaka ng Sumilao dito sa Maynila.

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Best Buy Coupons