Di ko maisip kung ano ang nangyari…Kung ano ang mali? Kung sino ang nagkasala sa ating dalawa. Noon di kita pinapansin. Labas pasok ka man sa pintuan, di kita iniintindi. Wala akong pakialam kung ano man ang sabihin mo sa akin. Payo mo, pagmamalasakit galing sa iyo o pagalit mula sa iyo. Lahat nang ito ay bale-wala sa akin. Sabi ng iba, dapat daw pasok sa isang tainga ngunit lalabas naman sa kabila. Ganun ang iniisip ko at ganun nga ang nangyayari. Marami akong mga litanya na gusto kong balikan ngayon at alalahanin. Ngunit, wala akong matandaan miski isa.
Nagkamali ka man, ngunit iyong pinagsisihan. Pilit mong binabalik ang nakaraan tulad ng tawanan, hiyawan at hagakgakan. Ibinaba mo ang iyong sarili mo sa lebel na di mo maarok. Ginawa mo ito para mahuli mo ulit ang loob ko. Ngunit sa tingin ko, huli na ang lahat. Humingi ka man ng tawad pero ang puso ko ay natigang na sa galit.
Hindi ko alam pero mukhang ganun talaga. Ang lahat ng pagsisisi ay pawang nasa huli. Noon di ko maintindihan. Ngayon medyo nauunawaan ko na. At dahil dito ang daming naging sana…
…sana tinanggap ko ang paghingi mo ng kapatawaran.
…sana ibinalik ko na lang talaga ang kahapon na tayo ay masaya.
…sana pilit ko na lang ibinaon ang masasamang pangyayari.
…sana di na lang kita binastos.
…sana sinunod ko na lang ang mga bagay na dapat gawin.
Patawad. Ito lang ang masasabi ko ngayon. Hinihingi mo ito noon ngunit ngayon ako naman ang humihingi ng patawad sa iyo. Nasaan ka man, sana ay matanggap mo ito. Dahil sa naganap na di inaasahang pangyayari sa ating dalawa, maraming nabago...
…naging iba ang pananaw ko sa buhay.
…naging iba ang takbo ng mundo.
…naging iba ang balakin ko.
…naging iba ang buhay ko.
…naging maliit ang mundo ko.
Sana ay nandito ka sa tabi ko. Sana ay nakikita mo ako ngayon. Kahit na alam kong matutuwa dahil ito ang gusto mo, gusto ko pa ring malaman ang sasabihin mo. Gusto ko pa ring marinig yung sasabihin mo kahit ano man yan. Kahit alam kong imposible, sana ay nandito ka. Sana ay nandito ka sa tabi ko.
0 comments:
Post a Comment