Naisulat ko ang susunod na sanaysay noong mga panahong nais ko nang kumawala. Aminado akong nalugmok ako sa putikan dahil sa mga bagay na nasa isip ko lamang - mga haka haka. Di ko man alam ang tunay na nangyari ngunit alam kong may basehan ako. Ito ang akong sanaysay...
Mas malungkot ang mga gabi pagkatapos kong malaman ang katotohanan. Hindi ko man masambit ang bawat salita na nais kong sabihin, ngunit alam ko ang nararamdaman ko sa loob ng puso ko ay ang pag-aalimpuyo ng mga bagay na DAPAT kong gawin laban sa mga GUSTO kong gawin. May mga bagay na dapat itago mo na lamang. May mga bagay din na kay hirap aminin. Ngunit sa kabila ng lahat, nasa puso ko pa rin ang pag-iimbot at kapalaluan. Alam kong mali ngunit ito ang laman ng aking damdamin.
Wika ni Christian Fabroada, “sweet revenge” ang dapat kong makamit. Isang bagay na alam akong gawin ngunit alam ko rin na mali. Nakakatuwang isipin na marami akong alam na gawin ngunit kakaunti lamang ang kaya ko sa mga ito. Ito ay maaaring sa kadahilanang hindi ko kinagisnan ang gumanti at may takot ako sa Diyos na may likha sa lahat ng bagay. Ang alam ko lang ngayon na pwede kong panindigan ay ang galit na namamayani sa loob ng puso ko at nais kong lumuha dahil sa nararamdaman kong ito.
Nakakalungkot isipin na ang pagiging tapat sa isang bagay ay magdadala pa sa iyo sa bingit ng kapahamakan. Nakakainis at nakakayamot. Ngunit wala akong magagawa. Napakalungkot ko. Wala akong maisip na bagay na makakapag-pasaya sa akin. Lugmok ako sa kalungkutan, nalalasap ko ang bawat sandali. Hanggang sa naalala ko ang isang pangyayari sa buhay ni Jesus nang maramdaman nya ang higit pang kalungkutan na nararamdaman ko ngayon. Sa isa sa mga huling araw ni Jesus ay tumungo siya sa isang lugar na kung tawagin ay Getsemane. Doon, hiniling niya na alisin ng Diyos Ama ang sarong na nakatalukbong sa kanya. Ngunit batid ni Jesus na ito ang nararapat niyang gawin para mailigtas ang sangkalupaan. Kaya sinundan ni Jesus ang kahilingan Niya ng salita na hanggang ngayon ay baluti ko sa lahat ng pag-subok ko sa buhay. “Thy will be done”.
--March, 2008