September 25, 2008

isang tula

kamakailan, nag-post ako ng isang tula para sa isang ka-opisina...

ngayon naman, ibabahagi ko ang isang tula na hanggang ngayon ay di ko alam kung paano ko ginawa.

--==============================
Kailan?

May luha sa aking mga mata
Di man lungkot, di man ligaya
Kawalan ng emosyon, sa puso nadarama
Ang alam ko lang ngayon ako’y lumuluha

Lumalalim ang gabi
Lumalamig ang paligid
Ako’y nagmumunimuni, kung bakit?
Walang pumapasok sa aking isip

Kailan ako liligaya?
Kailan matutupad ang aking pangarap?
Kailan sisibol ang pangalan ko?
Kailan dadagundong sa buong mundo?

Kailan ako makukuntento?
Kailan ko makikita ang ganda ng ibang tao?
Kailan ako magtitiwala sa hangarin nila?
Kailan matatapos ang pag-iisip ko?

Kailan magtatapos ang kalungkutan ko?
Kailan magwawakas ang kapalaluan ko?
Kailan titirik ang mata para huminto?
Kailan ko maiisip…kasalanan ko ba ito?


Kailan makikita ang liwanag?
Kailan bubuka ang mga bulaklak?
Kailan sisibol ang mga itinanim ko?
Kailan di mapapasik ang mga ito?

Kailan? Kailan? Kailan?
Bukas, ngayon o sa makalawa.
Hindi ko pa alam sa ngayon.
Ang alam ko lang ako’y lumuluha.

Pagdating ng panahon
Kung tunay at wagas ang hangarin
Magkakasabay pa rin sa biyahe
Biyahe patungong…kailan?

--==============================


di ko alam kung paano ko ginagawa...
pero minsan dumarating talaga ang panahon na marami akong tanong...
ginawa ko ito noong ako ay nasa mataas na paaralan pa lang (high school sa mga konyo)...
ito ulit yung tanong ko ngayon...kailan?

September 18, 2008

gaano kalimit ang minsan lamang

nakakatawa yung titulo? parang titulo sa isang pelikula...pero ito ang nararamdaman ko, gaano kalimit ang minsan lamang.

noon naiisip ko na dapat minsan lang akong maging malungkot, minsan lang ako maging hindi maayos at higit sa lahat minsan lang ako mag-kamali...

ngunit di ko maiwasan. at dahil sa malimit - na dati ay minsan lamang - di ko inaasahan, di ko maintindihan agad. simple lang naman ang gusto ko, maging maayos ang ginagawa ko sa mata ng ibang tao. pero sa kagustuhan kong ito, naiiwan ko ang isang katauhan na di ko nakikilala. mas pinag-hihinahuli ko ang tama, dahil alam kong ang gusto ko ang dapat masunod. dahil sa kalapastanganan kong ito, nakakasakit ako ng tao na di ko nalalaman. itinataboy ko ang dapat kaysa sa kailangan.

kapag nararamdaman ko na ito, ipinipikit ko na lamang ang mga mata ko dahil sa alam kong maaaring umagos ang mga luha sa aking mga mata. hindi ko nais ipakita sa tao ang kahinaan ng aking damdamin na gustong lumaban sa amihan ng buhay. ngunit sa loob ng aking puso, ay nananahan ang isang damdaming di ko ninais mahinawa. at dahil sa kasalanan ko, kailangang may isang parte ng aking kaluluwa ang dapat mamamatay - sa ayaw ko man at hindi.

ayaw kong humingi ng patawad, subalit sa tingin ko wala akong magagawa.

pikit mata akong nanalangin na...nawa ang damdamin kong ito ay mawala, ngunit kung ito ay kalugod-lugod sa Iyo pag-harian mo nawa ako...

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Best Buy Coupons