Nandito ako ngayon sa train papunta sa Franklin Park. Malamig ang panahon, parang hindi Summer. Nanunuot ang lamig sa aking kalamnan dahil sa manipis ang dala kong pang-ginaw. Malakas din ang hangin na hinahambalos ang matatayog na gusali dito sa Chicago. Maraming tao ang naglalakad sa kalye na tila di alintana ang mala-yelong paligid. Puno din ang kalsada ng mga ma-iingay na sasakyan. Lahat ay gusto na mauna sila para makarating ng maaga kani-kanilang patutunguhan. May mga iilang ibon sa himpapawid na malayang lumilipad.
Abala ang lahat – mga sasakyan, ibon, lamig, hangin at mga tao – sa kani-kanilang ginagawa, hindi batid ang aking nadarama. Ano nga ba ang pakialam nila sa nararamdaman ko? Teka, saan ba ako papunta? Oooppps, sa Franklin Park nga pala. Balik tayo sa nadarama ko. Lagi kong bukambibig ay di ko alam. Lagi kong sambit ay bahala na. Lagi kong suot ang aking mga ngiti kasama nakikita ang pangit kong mga ngipin. Sa likod ng mga ito, ano ba talaga ang nararamdaman ko? Ano ba talaga ang nasa isipan ko? Uulitin ko, di ko alam at bahala na. Ang alam ko lang ngayon ay may kakaiba akong nararamdaman.
Di ko alam kung ito ang paraan ng kanyang pag-samo. Sa totoo lang, di ko talaga alam. Alam ko lang may luha na namumutawi sa aking mga mata dahil gulong gulo na ako. Tatalikuran ko na lang ba iyon at haharapin ang mundong kasing-lupit ng mga mababangis na hayop? O pag-hahandaan ko ang isang pag-kakataon na minsan minsang sumasagi sa aking isipan?
Napapahaba na ako, ngunit malayo pa ako sa Franklin Park. May katabi akong Pana. Medyo di ko talaga gusto ang amoy nila pero kailangan kong pag-tyagaan. Sa ugali kong ito? Nararapat ba ako sa kanya? Muli, di ko alam. Di ko alam ang sagot kasi di ko talaga alam.
Ito ba ay takot lamang? Ito ba ay isang paraan ng aking pag-takbo sa kapalaran? Ito ba ay isang paraan ng pag-samo ko sa mundong di ko alam kung kailangan ako? Sandali, sandali. Kailangan ba talaga ako ng mundo? Or kailangan ko siya? Nalilito na talaga ako. Di ko maipaliwanag ngunit wala akong magagawa sa ngayon kundi mag-dasal. Magdasal na bigyan ako ng tamang desisyon at pananaw sa buhay.
Ang hirap talaga ng walang kinain sa tanghalian. Ang alam ko lang, dapat maging masaya ako. Bakit? Di ko alam. Kasi dapat? Kasi ito yung gusto ng mundo? Malamang hindi. Ito yung gusto Diyos na maramdaman ko. Maging masaya kung saan man ako naroon.
0 comments:
Post a Comment