October 22, 2012

going back to basics

i was browsing some old files when i stumbled into a CD which contains a speech i delivered way way back 2006.


Sa tuwinang nakikita ko ang liwanag ng buwan ay nadarama ko ang kapatanagan sa damdamin at busilak nitong layunin na magbigay ng liwanag sa dilim ng paligid.
Halos, labindalawang taon na ang nakakaraan nang isa sa mga batang magsisipagtapos ay may kakaibang anyo. Marahil sa mga dati nang guro dito ay kilala ang batang yaon. Siya ay naging tampulan ng mapanghamak na mga tingin at ng mapanghusgang mga tukso. Dahil sa murang pag-iisip at damdamin, natanim ito sa kanyang isipan. At malaki ang naging kontribusyon nito sa naging katauhan ng bata. Dinala niya ang mga salitang narinig hanggang siya ay tumanda at nagkaisip. Ngunit ito ay hindi naging balakid upang di niya matamo ang kanyang pangarap na makapagtaos ng pag-aaral sa nais niyang kurso. Hanggang sa isang araw, tinawagan siya sa cellphone dahil siya ay iniimbitahan na magsalita ngayong gabi. Ang batang aking binanggit ay ako, labindalawang taon na ang nakakalipas. May bulutong tubig ako noong Graduation Day nang Batch ‘94 ng AAES. Ang biro ko pa noon sa sarili ko, siguro hindi ako hahalikan o kakamayan man lamang ng aming punong guro. Umakyat ang aming Valedictorian, hinalikan at kinawayan. Ang Salutatorian naman ang sumunod, ganun din ang ginawa. Ngunit noong ako na ay kinamayan lamang ako. Sa tingin nyo bakit ako sumugod pa noong gabing iyon upang dumalo ng aming Pagtatapos? (Tanong sa mga estudyante!) Tinanong ko rin yan sa sarili ko. Ang naging sagot ko lamang ay…Nag-aral ako ng mabuti sa loob ng anim na taon tapos di ako aattend ng graduation. Ano sila hilo? Kaya nga’t kahit alam kong di pa mabuti ang pakiramdam ko ay humayo kami ng Nanay ko patungo dito para sa graduation. Kahit nawalan ng ilang kaibigan, buti at nakilala ko ang ugali agad nila. Ngunit di ako nakuntento sa sagot ko… Nag-aral ako ng mabuti sa loob ng anim na taon tapos di ako aattend ng graduation.Tumuntong ako ng mataas na paaralan, natuto ng bagong mga liksiyon, bagong teknik sa matematika, bagong salita sa siyensya at bagong kaalaman sa kasaysayan. Ngunit di ko pa rin nahanap ang kasagutan sa aking katanungan…Bakit pa ako umattend ng graduation day noong March 28, 1994? Hindi na ba ako tinablan ng hiya noon? Haharap ako sa maraming tao nang ganun ang naging hitsura ko? Ano ba talaga ang dahilan? Mas lalo akong nalito dahil bakit tila nadagdagan pa ang mga tanong ko sa buhay? At hirap na hirap akong sagutin yung tanong na yun?
Nagkolehiyo ako bilang isang iskolar ng bayan sa Mapua Institute of Technology, isang premyadong paaralan para sa mga inhinyero. Nag-aasam na mahanap ko ang sagot sa aking tanong. Nagsikap na makapagaral kahit salat sa pananalapi. Maraming pagkakataon na tama lamang na pamasahe ang dala kong pera at tinitiis ko ang gutom ko hanggang sa ako ay makauwi. Nang maisip ko, bakit di na lang ako huminto ng pag-aaral? Nalungkot ako dahil sa isa na namang tanong. Sa pagtitiyaga ko at tulong nang mga mahal sa buhay, nakapagtapos ako. Ngunit nabigo pa rin akong sagutin ang mga tanong ko. Tila ako isang donut. Isang tinapay na walang laman sa gitna. Isang nilalang na hungkag ang pagkatao.
Nabago ang lahat nang marinig ko ang isang anunsyo sa simbahan. Naghahanap daw sila ng bagong kasama sa isang paglalakbay. Sinubukan ko at unti unti kong nakilala ang aking sarili. Ang walang tinatagong Edward Martin Pugay Alejo. At ang pagkilala ko sa aking sarili ang nagbigay sa akin ng daan upang malaman ang kasagutan sa aking mga katanungan. Isang salita lang pala ang sagot. At para sa akin, ang isang salita ring ito ang binabanggit sa katagang “FROM LEARNING THE BASICS”.  Ito ang BASIC o PANGNAHING dapat na matutunan ng bawat isa. Ito rin ang salitang dapat nating maging armas sa pagtahak sa bagong simula nang ating buhay…nang inyong buhay mga magsisipagtapos. Sa pagtatapos ng gabi, hindi ibig sabihin na tapos na kayong lahat sa hamon ng pag-aaral bagkus ito ay simula ng pagbagtas ninyo sa bago at kakaibang pakikibaka ng buhay o “CROSSING THE THRESHOLD”. At ang salitang babanggitin ko ay tunay at subok na para malaman kung ano ang buhay…”LEARNING FOR LIFE”. Ang salitang yun ay simple ngunit malalim. Ang PAG-IBIG.
Kaya pala ako nag-titiyagang mag-aral, kung bakit ako hindi tinablan ng hiya at umattend sa graduation ko ay dahil sa pagmamahal na narito sa puso ko. Ang pagmamahal na tinuro sa akin ng aking mga magulang, ng aking mga kapatid, kaibigan, ka-ibigan, ng mga guro at higit sa lahat sa aking PINANINIWALAANG DIYOS. Sila na naging bahagi ng buhay ko. Without them, I am nothing. Without their help and continuing support, I cannot do this. It is love that keeps me alive. Ang pag-ibig ng aking Ina ang gumigising sa akin sa umaga. Ang pagmamahal ng Diyos ang nagbibigay sa akin ng lakas upang bumagon. Ang pagmamahal ng aking mga kapatid ang dahilan kung bakit maaga ako nakakapasok…dahil sa pinagbibigyan nila ako sa banyo (tawa). Ang pagmamahal nang aking mga kaibigan at ka-ibigan ang nag-dudulot sa akin ng tumawa ng malakas. At ang pagmamahal ng aking mga dakilang guro ang dahilan kung bakit ako nakakabasa at nakakasulat. Ang pag-mamahal din nila ang naghubog sa akin. Ang nagturo sa akin ng “critical thinking”. Ang paggamit katalinuihang binigay sa akin ng Poong Diyos. Well I don’t want to sound as a preacher. But I know I am already doing so. Ngunit ang mga bagay na ito ang sa alam kong makakapagpanibago sa pananaw ng ilan nating mga kababayan. Lalo na sa mundong ating ginagalawan. Kabi-kabila ang protesta sa kalye, ang bangayan ng mga mambabatas, ang pangungurakot ng ilang matataas na pulitiko at ang lumalalang kahirapan ang patunay na kailangan natin ng pag-ibig. All we need is love, as the line in one song says. At ito ang hamon sa atin, tama po sa atin, ipalaganap ang pagmamahal dahil ang katahimikan ng bansang Piliinas at ng mundo ay magmumula sa pagmamahal ng bawat isa.
Ngayon, sa kinatatayuan ko, masasabi ko na bale wala ang pinagaralan ko kung di dahil sa pag-ibig. Ito ang nag-mulat sa akin na ang buhay ay hindi parang recitation na mag-sasaulo ka ng mga salita at mga bagay. Bagkus ang buhay ay yaong paraan ng pagsasaulo ng mga salita. Importante ang malaman kung ano ang sagot sa 1 + 1. Ngunit importante din nating malaman kung bakit natin sila pagsasamahin o i-aadd. Importante ang malaman na ang Tejeros Convention ay parte ng ating kasaysayan. Ngunit di ba importante ding malaman ang dahilan kung bakit at ano ang kahalagahan nito? Importante na malaman na ang oxygen ang bumubuhay sa tao. Ngunit importante din na malaman natin kung paano na-pro-produce o nagagawa ito. Sa aking mga nabanggit ay papasok ang pagmamahal ng ating mga guro at magulang. Ang ating mga magulang na matiyagang nagtuturo sa atin ng ating mga assignments. At sa mga guro na matiyagang nag-gagawa ng kanilang mga lesson plans para mabahaginan kayo ng bagong mga aralin.
Sa puntong ito, lubos kong pinasasalamatan ang aking mga guro. Kung wala ang aking mga guro sa elementarya, di ko natutunan pagkakaiba ng malaking titik A sa maliit na titik a. Dahil sa kanilang matiyagang pagtuturo natutunan ko na ang polygon pala na may limang sulok ay pentagon. Sa inyo saludo po ako. Nababatid ko po ang kahalagan ng isang guro sa elementarya. Ano na lamang ang nangyari sa mundo kung mali ang itinuturo po ninyo?
Sa aking mga kaibigan at dating mga kamag-aral, salamat sa mga oras na inubos ninyo sa akin. Sa mga patawa kong di naman nakakatawa. Sa mga panahon na tila kailangan na akong dalhin sa Mental Hospital sa kakatawa. At sa mga pagkakataon na kayo’y aking naging sandigan sa oras ng kalungkutan.
Sa aking mga mahal sa buhay, sa Tita Aba, Tito Bert, Daddy Peng, Mommy Tonet, Tito Rollie, Tita Annie, Tita Oma at sa iba ko pang kamag-anak, baka po kasi umagahin tayo kung babanggitin ko lahat, salamat sa pag-suporta sa aking pag-aaral lalo nang ako ay kolehiyo. Asahan po ninyong di kayo mabibigo nang pinagaral po ninyo ako.
Sa aking pamilya, alam ninyo na hindi ko nababanggit ang salitang “MAHAL KO KAYO” sa tuwina. Ngunit ang aking mga kilos ang nagsusukli rin sa inyong pagamamahal sa akin. Dahil naniniwala akong ang tamang mag-sukli ay maraming suki. Nawa ay tama po yung pagsusukli ko sa pagmamahal na binibigay ninyo sa akin. I know my Dad will be happy to see me up in this stage while delivering this piece. Dad wherever you are…I love you with all my heart.
At higit sa lahat sa Panginoong Diyos. Binigyan nya ako ng lahat ng bagay na mayroon ako ngayon. Lahat lahat ay sana maibalik ko ang papuri sa iyo. I know I am not worthy to receive but only say the word and I shall be healed.
Ang pagamamahal ng mga nabanggit ko ang nagbibigay sa akin ng liwanag sa pagtahak ko sa aking buhay. Ang kanila pag-ibig ang tila liwanag nang buwan…na sa
tuwinang nakikita ko ang liwanag ay nadarama ko ang kapatanagan sa damdamin at busilak nitong layunin na magbigay ng liwanag na nagsisilbing pag-ibig sa dilim ng paligid.

from the cover of the invitation.

 it's in tagalog, though. =) . 


Related Posts:
ginawa ko noon, inaani ko ngayon
ikaw na naman
Lost Memory for Tejeros Convention v.1
enhanced monsoon rain
meeting baldo...

0 comments:

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Best Buy Coupons